PATOTOO O TESTIMONYA NG MGA DEBOTO NI PADRE PIO
Ang Mahiwagang Pabango ni Padre Pio
Noong ika-isa ng Hulyo,dalawang libo at labing-lima (July 1, 2015), binaril ang kapatid kong bus driver. Siyam (9 ) na bala ang pumasok sa katawan niya pero anim (6) lang ang nakuha kasi mahinang mahina na siya. Inabot siya ng labing-limang (15) araw sa ICU at maraming beses na nag-cardiac arrest. Siyamnaput-dalawang araw (92) siyang nanatili sa hospital. Sa buong panahon na iyon, ako ang nagbabantay sa kanya tuwing gabi. Araw araw ako nagsisimba, nagrorosaryo at nagbabasa ng libro ng buhay ng Mahal na Birhen at ni Padre Pio. Tatlong (3) araw bago siya pinauwi, habang ako ay naglalakad bigla akong nakaamoy ng bulaklak. Tumingin ako sa paligid kung may bulaklak sa malapit, pero wala akong nakita at wala din taong malapit sa akin para magdala ng ganoong kalakas na amoy. Nabasa ko sa kanyang aklat ang tungkol sa mabangong amoy na iyon, kaya ako’y nagpasalamat kay Padre Pio sa misa.
Noong ika-isa ng Setyembre (Sept. 1), pinayagan na siyang umuwi na hindi ko alam. Pagdating ko sa ospital, wala na siya doon. Ang problema ko ay wala akong pamasahe pauwi at kung lalakarin ko aabutin ako ng anim (6) na oras sa paglalakad at pagabi na. Di ko alam ang gagawin ko at wala akong cellphone. Naglakad ako papunta sa highway para sumakay sa bus, pero wala akong pera. Naamoy ko na naman ang mabangong bulaklak, kaya nagdasal ako kay Padre Pio na tulungan niya ako. Pagdating ko sa sakayan sa highway, biglang pumara ang bus na kasamahan niya. [Matatandaan na bus driver din ang kapatid niya]
Umakyat ako at nang siningil ako, ipinakilala ko ang sarili ko at sinabing nakauwi na ang kapatid ko kaso wala akong pera. Ang daming sakay at ang driver ang natuwa at masayang-masaya. Hindi na nila ako siningil. Salamat Padre Pio, salamat lalo sa Panginoong Hesus at sa Mahal na Birhen. Pagpalain ang lahat.
— Marilou Maquiran
Ang Patotoo Ng Isang Pinay Caregiver Sa Japan
Ang sumususunod na patotoo ay ipinagbigay alam sa Ang Tinig Ni Padre Pio sa pamamagitan ng Viber call ng kinauukulang nagpapatotoo o testigo.
Si Ginang J. Nakamura, limampu’t-isang taong gulang, ay mahigit dalawampung taon nang naninirahan sa bansang Hapon at nagtratrabaho bilang caregiver sa isang pasilidad para sa mga senior citizens. Mayroon siyang isang anak na babae na kasama sa bahay at nagtratrabaho na rin.
Isang umaga na wala siyang pasok sa trabaho, medyo sumama ang kanyang pakiramdam kaya di siya kaagad bumangon para mag-almusal. Nang tumayo na siya, naramdaman niyang sumasakit ang batok at tila bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Ipinagpalagay niya na baka mawala ito kung kakain siya ng ubas. Ngunit patuloy pa ring sumakit ang ulo niya at lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Ang ipinangangamba niya ay baka atakihin siya sa puso o magka-stroke dahil mayroon siyang alta presyon o high blood pressure. Uminom siya ng kanyang gamot para dito at umasa na huhupa ang mga sintomas.
Dahil sa patuloy ang paglala ng mga naramramdaman niya at umalis at pumasok na ang kanyang anak sa trabaho, nagpasiya na siyang tumawag ng ambulansya upang dalhin siya sa emergency room ng ospital. Dumating kaagad ang mga EMT o Emergency Medical Technician lulan ng ambulansya sa loob ng limang minuto. Dali-dali nilang ikinabit ang aparato ng EKG upang masuri at masubaybayan ang lagay ng kanyang puso at kinuha ang presyon niya na napag-alamang mataas.
At natuklasan na talagang napakabilis ng tibok ng puso niya, ang tinatawag na tachycardia, kaya hindi na sila nagatubili at kinarga na siya ng mga EMT’s at inilulan sa ambulansya. Tinawagan ni Ginang J.Nakamura ang anak niya upang ipaalam ang nangyari. At kasabay nito, panay ang tunog ng cell phone niya dahil may nagte-text sa kanya. Di niya ito masagot dahil nga sa kundisyon niya.
Nang dumating sila sa emergency room, ikinabit na ang mga montitor sa kanya at patuloy paring sumasakit ang dibdib niya at mabilis ang tibok ng puso niya. Noon pa lang niya tiningnan kung sino ang nagtetext sa kanya at yun pala ay ang pinsan niya na ipinaaalam sa kanya na naayos na niya ang donasyon niya sa Mga Alagad Sa Kalinga ni Padre Pio.
Sa sandaling iyon naliwanagan ang kanyang isip, at nanalangin sa kanyang anghel na tagatanod na ipinidala niya ito kay Padre Pio para matulungan siya. Ginawa niya ito dahil napanood niya ang isang episofyo ng Ang Tinig Ni padre Pio kung saan hinihikayat ni Padre Pio na ipadala sa kanya ang mga anghel na tagatanod ng mga deboto at espiritwal na anak niya kung kailangan nila ng tulong niya.
Maya-maya pa ay dumating ang isang doktor upang usisain at tingnan ang kalagayan niya. Pero noong mga sandaling iyon di na sumasasakit ang dibdib at batok niya bagaman mabilis pa rin ang tibok ng puso. Tiningnan ng doktor ang monitor at paulit-ulit na tinatanong kung masakit pa rin ang dibdib niya. Sinabi niyang hindi ngunit tila di makapaniwala ito dahil nakikita niya na mabilis pa rin ang tibok ng puso niya.
Kaya tumawag ito ng isa pang doktor upang isangguni ang kalagayan niya. Tulad ng dati, nagtaka rin ang pangalawang doktor dahil mabilis pa rin ang tibok ng puso niya. Giiit ni Ginang J.Nakamura na wala na siyang nararamdaman sakit sa dibdib o batok niya.
Dahil di pa rin kumbinsido ang dalwang doktor, tumawag pa sila ng isa pang doktor upang suriin si Ginang J.Nakamura at pareho pa rin ang kasagutan niya. Wala na siyang nararamdamng sakit. Inakala ng mga doktor na baka dahil may regla siya kaya nagkaganoon ang kalagayan niya. Ngunit pinabulaanan niya ito ng ipagbigay alam niya sa kanila na limamput-isang taong gulang na siya at nasa menopause na siya.
Napatawa na lang ang mga doktor. Pinatili na lang siya muna sa emergency room ng ilang pang oras at pagkatapos ay pinauwi na siya. Mag-isa siyang sumakay ng bus pauwi at maluwalhating nakaring sa kanyang bahay.
Sa kanyang loob-loob, kumbinsido si ginang J.Nakamura na tinugunan ni San Padre Pio ang panalangin niya nang ipinadala niya ito sa pamamagitan ng anghel na tagatamod niya. Taospuso siyang nagpapasalamat sa Diyos na ipinagkaloob niya sa sangkatauhan ang isang santo tulad ni Padre Pio upang dinggin ang mga hinaing at dalangin nating mga manampalataya na nakikipaglaban pa dito sa lupa.